Biyernes, Enero 9, 2015

KUNG TUYO NA ANG LUHA MO, AKING BAYAN


                               Amado V.  Hernandez
 
Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,
Ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan;
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!

Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
Kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
Lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.

Sabado, Enero 3, 2015

Parabula ng Banga

 "Huwag mong kalilimutang ikaw ay isang bangang gawa sa lupa," ang tagubilin ng Inang BAnga sa kanyang anak. "Tandaan mo ito sa buong buhay mo." "Bakit madalas mong inuulit ang mga salitang ito, Ina?" ang tanong ng anak na banga na may pagtataka.
     "Sapagkat ayokong kalimutan mo ito. At ikaw ay nararapat na makisalamuha lamang sa ating mga kauring banga." Kaya't sa buong panahon ng kaniyang kabataan, itinatak niya sa kanyang isipan na siya ay isang banga na gawa sa lupa. Hanggang sa makakita siya ng ibang uri ng banga. Nakita niya ang eleganteng bangang porselana, sa isang makintab na bangang metal, at maging ang iba pang babasaging banga.Tinanggap niya na sila ay magkakaiba. Ngunit hindi niya lubos na maunawaan kung bakit hindi siya maaaring makisalamuha sa ibang banga. Marahil, gawa sila mula sa iba't ibang materyal at iba-iba rin ang kanilang kulay. May puti, may itim, may kulay tsokolate, at may dilaw. Sila ay may kani-kaniyang kahalagahan. Hinulma sila nang pantay-pantay. Lahat sila ay ginawa upang maging sisidlan o dekarasyon.
     Isang araw, isang napakakisig na porselanang banga ang nag-imbita sa kaniya na maligo sa lawa. Noong una, siya'y tumanggi. Nang lumaon, nanaig sa kaniya ang paniniwalang ang lahat ng banga ay pantay-pantay. Naakit siya sa makisig na porselanang banga. Napapalamutian ito ng magagandang disenyo at matitingkad ang kulay ng pintura. May palauting gintong dahon ang gilid nito. Kakaiba ang kaniyang hugis at mukhang kagalang-galang sa kanyang tindig.
     "Bakit wala namang masama sa paliligo sa lawa kasama ng ibang uri ng banga. Wala naman kaming gagawing hindi tama," bulong niya sa sarili. At sumunod siya sa porselanang banga at sinabing, "Oo, maliligo ako sa lawa kasama mo. Ngunit saglit lamang, nais ko lang na mapreskuhan."
     "Tayo na," sigaw ng porselanang banga na tuwang-tuwa. Sabay silang lumundag sa lawa at nasarapan sa malamig na tubig. Nakadama sila ng kaginhawahan sa mainit na panahon nang araw na iyon. Nang sila'y lumundag sa tubig, lumikha ito ng mga alon. Ang porselanang banga ay tinangay papalapit sa kanya. Kahit hindi nila gusto, bigla silang nagbanggaan nang malakas. Isang malaking alon ang humampas mula sa gilid ng lawa. Lumikha ito ng napakalakas na tunog.
     Ang porselanang banga ay nanatiling buo na parang walang nangyari. Ngunit ang bangang gawa sa lupa ay nagkalamat dahil sa malakas na banggaan nila. Habang siya'y nabibitak at unti-unting lumulubog sa ilalim ng tubig, naalala ng bangang lupa ang kaniyang ina.