Nang
Minsang Naligaw si Adrian
(Ito’y
kuwento batay sa text message na ipinadala kay Dr. Romulo N.
Peralta.
Sa kaniyang muling pagsasalaysay,
ang pangalan at ilang mga pangyayari ay pawang mga kathang-isip lamang.)
Bunsong
anak si Adrian sa tatlong magkakapatid. Siya lamang ang naiba ang
propesyon dahil kapwa abogado ang
dalawang nakatatanda sa kaniya. Dahil may kaya
sa buhay ang pamilya, natupad ang pangarap niyang maging isang doktor.
Lumaki
siyang punong-puno ng pagmamahal mula sa kaniyang mga magulang at mga kapatid
na nakapag-asawa rin nang makapagtapos at pumasa sa abogasya. Naiwan siyang
walang ibang inisip kundi mag-aral at pangalagaan ang kaniyang mga magulang.
Matagumpay
niyang natapos ang pagdodoktor at hindi nagtagal ay nakapagtrabaho sa isang
malaking ospital. Ngunit sadya yatang itinadhana na matapos ang dalawang taon
mula nang siyang maging ganap na doktor, pumanaw ang kaniyang pinakamamahal na
ina. Naiwan sa kaniya ang pangangalaga ng ama na noon ay may sakit na ring
iniinda.
Malimit
siyang mapag-isa sa tuwing nabibigyan ng pagkakataong makapagpahinga dulot na
rin ng hindi niya maiwan-iwanan na ama. Naisin man niyang magtrabaho at
manirahan sa ibang bansa katulad ng kaniyang mga kapatid, ang katotohanang may
nakaatang na responsibilidad sa kaniyang balikat ang pumipigil sa kaniyang
mangibang-bayan upang manatili sa piling ng ama at alagaan ito hanggang sa
kahuli-hulihang yugto ng kaniyang buhay.
Inggit
na inggit siya sa mga kasabayang doktor na nasa kanila nang lahat ang
luho at oras na makahanap ng babaing
makakasama habambuhay. Ayaw rin niyang
mapag-isa baling-araw kapag nawala
na ang kaniyang ama.
Isang
araw, habang nagpapahinga matapos ang halos limang oras na operasyon,
nakatanggap siya ng tawag mula sa kasambahay na sinusumpong ng sakit ang
kaniyang ama. Nagmadali siyang umuwi at sa kabutihang palad, naagapan naman
niya ang ama.
Bahay.
Ospital. Bahay. Ospital. Paulit-ulit na takbo ng buhay na pakiramdam
ni Adrian ay matatapos lamang kapag
tuluyan nang mawala ang kaniyang ama. Hindi niya namamalayan, unti-unti niyang
nararamdaman ang pagkaawa sa sarili. Nais niyang makawala sa responsibilidad at
magkaroon ng panahon para sa sarili.
“Daddy,
patawad po. Nais ko lamang na lumigaya sa buhay. Nasa katanghalian na po ako ng
buhay ko. Ayaw ko pong mag-isa balang araw kapag kayo’y nawala.”
Dahan-dahan
niyang binuhat ang ama na halos hindi na makapaglakad nang maayos. Pinasan niya
ang ama at isinakay sa kaniyang kotse. Walang imik na sumama ang ama.
Naglakbay
sila nang halos isang oras. Nang sila’y nakarating sa isang lugar,
huminto ang kotse at pinasan ni
Adrian ang ama. Tinunton nila ang daan papasok sa
isang kagubatan. Mabigat ang ama
kaya paminsan-minsan ay tumititigil sila sa lilim
ng puno upang magpahinga. Wala pa
ring imik ang ama habang binabali ang maliliit
na sanga. Napansin niyang tumutulo
ang luha ng anak.
“Bakit
ka umiiyak?” tanong ng ama kay Adrian.
“Wala
po, Dad.”
Nagpatuloy
sa paglalakad si Adrian na pasan-pasan ang ama. Patuloy rin ang
pagtulo ng kaniyang luha. Alam
niyang labag sa kaniyang kalooban ang kaniyang gagawin. Maraming beses din
silang tumigil upang magpahinga at paulit-ulit din ang
pagbabali ng ama ng maliliit na
sanga ng puno. Napansin ito ni Adrian.
“Bakit
n’yo po binabali ang mga sanga ng puno sa tuwing tayo’y nagpapahinga, Dad?,”
tanong ni Adrian.
Tumugon
ang ama na may ngiting namutawi sa kaniyang labi.
“Alam
ko nais mo akong iligaw sa loob ng kagubatan. Anak, palatandaan ito
na dito tayo dumaan, para sa
pagbalik mo ay hindi ka maliligaw.”
Lalong
bumilis ang pag-agos ng luha ng binata. Walang kaimik-imik, muling
pinasan ni Adrian ang ama at
natagpuan ang sariling bumabalik sa lugar kung saan
sila nanggaling.
Alam
ni Adrian na hindi na siya maliligaw. Hinding-hindi na.
Ang
Ama
(Isinalin sa
Filipino ni Mauro R. Avena)
Magkahalo
lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang
takot ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at
nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na
paminsan-minsa'y inuuwi ng ama - malaking supot ng mainit na pansit na iginisa
sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng
ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos
ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kanina pa aali-aligid sa mesa.
Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat -
kahit ito'y sansubo lang ng masarap na pagkain, sa mga pinakamatanda at malakas
na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa
maliliit.
Anim
lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at
isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila
lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina, upang tiyaking may
parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang
maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay
maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.
Natatandaan
ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng
kaluwagang-palad nito - sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na
puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap
nilang ubusin. Kahit na ang ina nila'y masayang nakiupo sa kanila't kumain ng
kaunti.
Pero
hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo'y hindi nag-uuwi ng pagkain
ang ama; ang katunaya'y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito
umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo'y umaasa pa rin
sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat ang mga matang
titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa
mga daliri nito.
Kung
umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabog-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang
mga bata'y magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa
ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang
mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng
mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi
at mata niyon ay mamamaga, kaya mahihiya itong lumabas upang maglaba sa
malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang
maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at
ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang ama
at sila'y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.
Kapag
umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may
pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila'y si Mui Mui, otso
anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng
ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na
nagkalat sa kaniyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga patse, gayong
pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang
kaniyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tumatagal ng ilang oras, habang
siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, namamaluktot nang pahiga sa
banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kaniya
ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina
na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama,
napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan
nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing
niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito'y
nakabubulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon huminto, ito'y tatayo, lalapit
sa bata at hahampasin iyon nang buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at
papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng
kaniyang kabuwisitan.
Noong
gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil asisante sa kaniyang
trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahahabang halinghing at
hindi mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata gayung binalaan nilang
papaluin ito. Walang ano-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha
ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang
kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang
gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.
Pero
pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak
habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang
kilometro ang layo roon sa tabi ng gulod. Ilan sa taganayon na nakatatanda sa
sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong
nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay dahil alam nilang nawalan ito ng
trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa
mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang
humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay medaling
nakarating sa kaniyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na
noon di'y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kaniyang asawa
at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay,
kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes
sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda
nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kaniyang anak, ang lalaki ay
napaiyak at kinailangang muling libangin.
Ngayo'y
naging napakalawak ang kaniyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang
ama na ipinaglalamay ang wala sa panahong pagkamatay ng kaniyang dugo at laman.
Mula sa kaniyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na
bata, kaya madalamhati siyang nagtatawag, "Kaawa-awa kong Mui Mui!
Kaawa-awa kong anak!" Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng gulod -
payat, maputla, at napakaliit - at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig
sa matipuno niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan.
Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na ang iba'y lumayo na may luha sa mga
mata at bubulong-bulong, "Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero
tunay na mahal niya ang bata".
Tinuyo
ng nagdadalamhating ama ang kaniyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang
naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang
perang ibinigay ng kaniyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman ito agad sa
kaniya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay
hindi niya gagastusin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na
lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong
nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil
tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer.
Pagkalipas
ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas
maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang
mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba'y kahon ng mga tsokolate? Tumingin
silang mabuti. May supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit. Nagtaka ang
mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki'y
biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek
sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi,'yong katulad ng
minsa'y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira roon sa malaking bahay na
pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa pandidilat at pagngisi sa
pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya nagtalo at nanghula ang
mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang
lumabas ito ng kaniyang kuwarto.
Di
nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi
dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa
pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng
bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na wari'y kanila na sana,
nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng
ama. "Tingnan natin kung saan siya pupunta." Nagpumilit na sumama ang
kambal at ang apat ay sumunod nang malayo-layo sa ama. Sa karaniwang
pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa bahay, pero
ngayo'y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila napuna.
Dumating
ito sa libingan sa tabing gulod. Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang
hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-dahang inilapag
sa puntod, habang pahikbing nagsalita, "Pinakamamahal kong anak, walang
maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana'y tanggapin mo."
Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasid sa pinagkukublihang
mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay
nagbabantang mapunit anumang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang
ama. Naiwan sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang
inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking
bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas nagsalo-salo sila tulad sa
isang piging na alam nilang ‘di nila mararanasang muli.
Anim na Sabado ng Beyblade (Bahagi Lamang)
ni Ferdinand
Pisigan Jarin
Unang
Sabado ng paglabas niya nang hilingin na niyang magdiwang ng kaarawan kahit
hindi pa araw. Nangumbida ako ng maraming tao kasabay ng biling ‘wag kalimutan
ang regalo at pagbati ng “Happy Birthday,Rebo!”. Kailangang di niya
malimutan ang araw na ito. Dapat pinakamasaya ang Sabadong ito sa lahat ng
Sabado. Maraming-maraming laruan. Stuffed Toys, Mini-Helicopter,
Walkie-Talkie, Crush Gear, Remote Controlled Cars, at higit sa lahat,
ang Beyblade. Ang paborito niyang Beyblade. Maraming-maraming Beyblade.
Tinanggap niya ang lahat ng ito at marami pang iba sa kaniyang kaarawan. Sa
kaniyang pagtuntong sa limang taon. Kahit di totoo. Kahit hindi pa araw.
Ikalawang
Sabado, naki-bertdey naman siya. Pagkatapos ay muling naglaro ng beyblade
kasama ang mga pinsan.
Tatlong
araw bago dumating ang ikatlong Sabado, sorpresa ko siyang dinalaw. Unti-unti
na siyang nanghihina. Bihira na siyang ngumiti. Hindi na niya makuhang laruin
ang beyblade bagamat ayaw niya itong bitiwan sa loob ng kaniyang kamay o di
kaya‟y bulsa. Ang nakapagngangalit, unti-unti na namang nalalagas ang kaniyang
buhok. Subalit pinipilit pa rin niyang maging malakas bagamat talagang di na
kaya ng kaniyang paang tumayo ng kahit ilang sandali man lang. Nakadudukot na
rin siya ng mga matitigas na butil ng dugo sa loob ng kaniyang gilagid.
Sa
labas ng bahay na kanilang tinitirhan, lubos kong ikinagulat nang tanungin niya
ako ng; “Tay, may peya a?” (Tay, may pera ka?) Dali-dali kong hinugot at
binuksan ang aking pitaka at ipinakitang mayroon itong laman. Agad akong
nagtanong kung ano ang nais niya na sinagot naman niya ng agarang pagturo sa
isang kalapit na tindahan. Kung mabilis man akong nakabili ng mga kending
kaniyang ipinabili, mas mabilis siyang umalis agad sa tindahan at nakangiting
bumalik sa aming kinauupuan. Naglalambing ang aking anak. Nang kami’y pumasok
na sa loob ng bahay, naiwang nilalanggam na ang nakabukas ngunit di nagalaw na
mga kendi sa aming kinaupuan.
Tuluyan
na siyang nakalbo pagsapit ng ikatlong Sabado. Subalit di na kusang nalagas ang
mga buhok. Sa kaniyang muling pagkairita, sinabunutan niya ang kanyang sarili
upang tuluyang matanggal ang mga buhok. Nang araw na iyon, kinumbida ng isa
kong kasama sa trabaho ang isang mascot upang bigyan ng
pribadong pagtatanghal si Rebo nang walang bayad. Matapos ang pagtatanghal,
bagamat di man lang siya makangiti at makatawa, kitang-kita sa kaniyang mata
ang kasiyahan. Isang kasiyahang unti-unting humina at nawala.
Di
na maikakaila ang mabilis na pagkapawi ng lakas ng aking anak pagsapit ng
ikaapat na Sabado. Di na niya makuha pang ipasok ang pisi ng beyblade upang
mapaikot ito. Ramdam na ang pagod at hingal sa kaniyang pagsasalita. Kaya kahit
nang dalhin ko siya sa isang karnabal, isa lamang ang ninais niyang sakyan. Ang
mga maliliit na helicopter na tumataas at bumababa ang tila
oktupos na galamay na bakal. At sa tuwing tataas, hahanapin ako ng tingin sa
baba at malungkot na ngingitian. Pagkababa, mabilis na siyang nagyayang umuwi.
At pagkauwi’y humiga nang humiga at paulit-ulit na tumingin sa kawalan.
Huling
Sabado ng Pebrero ang ikalimang Sabado. Eksaktong katapusan. Kasabay ng
pagtatapos ng Pebrero ay pumanaw ang aking anak. Ilang sandali matapos ang
sabay na paglaglag ng luha sa kaniyang mga mata at pagtirik ng mata, ibinuga
niya ang kaniyang huling hininga. Namatay siya habang tangan ko sa aking bisig.
Hinintay lamang niya ang aking pagdating. Di na kami nakapag-usap pa dahil
pagpasok ko pa lang ng pintua’y pinakawalan na niya ang sunod-sunod na palahaw
ng matinding sakit na di nais danasin ng kahit sino.
“Sige
na, Bo. Salamat sa apat na taon. Mahal ka namin. Paalam.”
Ikaanim
na Sabado nang paglabas ni Rebo sa ospital. Huling Sabado na masisilayan siya
ng mga nagmamahal. Wala na ang beyblade at ang may-ari nito. Payapa na silang
nakahimlay sa loob ng kabaong. Magkasamang tutungo sa lugar na walang sakit,
walang gutom, walang hirap. Payapang magpapaikot at iikot. Maglalaro nang
maglalaro. Habang kaming mga naiwan ay paglalabanan at pagaaralang tanggapin
ang kirot ng pagkalungkot.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento